MGA KATANUNGAN UKOL SA SUSTAINABLE LIVELIHOOD PROGRAM
MGA KATANUNGAN UKOL SA SUSTAINABLE LIVELIHOOD PROGRAM
Last Update: September 30, 2023.
Ano ang Sustainable Livelihood Program (SLP)?
Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga kalahok tungo sa matatag at kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.
MISYON
Pagbutihin ang panlipunan at ekonomiyang kondisyon ng mga kalahok sa programa sa pagbuo ng sustenidong mga kabuhayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga kasanayan at pag-aari.
BISYON
Ang Sustainable Livelihood Program, ang pangunahing capability-building program na hangad ang pangkalahatang pagbabago sa mga mahihirap, bulnerable, at kapos-palad na pamilya at komunidad sa pamamagitan ng sustenido at matatag na mga kabuhayan.
TAGLINE
Sulong Kabuhayan tungo sa Pagyabong!
BRAND PROMISE
Paunlarin ang kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga benepisyaryo tungo sa matatag na kabuhayan.
Ano-anong mga tulong ang maaaring matanggap mula sa SLP?
Ang SLP ay nagbibigay ng suporta sa iba't-ibang klase ng hanapbuhay sa pamamagitan ng dalawang pangunahing tunguhin o tracks ng programa:
A. MICRO-ENTERPRISE DEVELOPMENT (MD)
Nilalayon ng MD Track na tulungan ang mga kalahok sa pagsisimula, pagpapatuloy, at pagpapalawak ng mga negosyo o micro-enterprises. Ang mga sumusunod ay ang mga modalities sa ilalim ng MD Track:
Seed Capital Fund (SCF);
Skills Training Fund (MD-STF); at
Cash for Building Livelihood Assets Fund (CBLAF).
B. EMPLOYMENT FACILITATION (EF)
Nilalayon ng EF Track na ihanda at suportahan ang mga kwalipikadong kalahok sa paghahanap, pagpasok, at pananatili sa kapaki-pakinabang na trabaho. Ang mga sumusunod ay ang mga modalities sa ilalim ng EF Track:
Employment Assistance Fund (EAF); at
Skills Training Fund (EF-STF).
Sino-sino ang pwedeng lumahok?
Mga mahihirap, bulnerable, at kapos-palad na indibiduwal o pamilyang natukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) na kabilang sa ‘Listahanan’.
Mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Mga walk-in client o referred individual.
Ang kalahok sa MD Track ay kinakailangang hindi bababa sa 16 taong-gulang habang ang kalahok naman sa EF Track ay kinakailangang hindi bababa sa 18-taong gulang.
Maaaring sumali hanggang dalawang (2) miyembro ng pamilya sa dalawang magkaibang serbisyo ng programa — ang MD Track at EF Track.
Ang mga mahihirap na hindi kabilang sa 4Ps at Listahanan database na nagnanais makasali sa SLP ay kailangang sumailalim sa pagsusuri sa pamamagitan ng SLP Means Test upang matukoy kung maaaring maging potensyal na kalahok.
Paano makasali o mapabilang sa SLP?
Bisitahin ang inyong City/Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO) at makipag-ugnayan sa itinalagang SLP-Project Development Officer (PDO) ng DSWD ukol sa iskedyul ng mga aktibidad ng SLP.
Tiyakin na makadalo at patuloy na makiisa sa mga naka-iskedyul na aktibidad ng SLP sa inyong lugar.
Paano malalaman ang status ng aking aplikasyon?
Makipag-ugnayan sa inyong City/Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO) o antayin ang tawag/text/sulat mula sa Kagawaran.
ANO ANG IBIG SABIHIN NG RESULTANG NATANGGAP?
Ano ang aking gagawin kung ako ay napabilang sa "Poor" na mga aplikante?
Kung kayo ay na-assess na poor, ito ay nangangahulugan na kayo ay "kwalipikado" na makatanggap ng livelihood assistance mula sa Programa.
Mangyaring maghintay ng tawag/text mula sa tanggapan para sa iskedyul ng social preparation activity at para malaman ang mga kakailanganing dokumento para sa aplikasyon sa programa.
Ano ang aking gagawin kung ako ay napabilang sa "Non-Poor" na mga aplikante?
Kung kayo ay na-assess na non-poor, ito ay nangangahulugan na kayo ay "hindi kwalipikado" na makatanggap ng livelihood assistance mula sa programa.
Kayo ay makatatanggap ng sulat mula sa aming tanggapan kalakip ang endorsement letter papunta sa Lungsod/Munisipalidad kung saan kayo nabibilang para sa posibleng intervention na inyong kinakailangan.
Ano ang aking gagawin kung ako ay napabilang sa "No Match" na mga aplikante?
Kung ikaw ay na-assess na no match, ito ay nangangahulugan na kayo po ay wala sa Listahanan database. Kayo ay isasailalim sa balidasyon o SLP Means Test upang matukoy kung kayo ay makapapasa batay sa pamantayan ng programa.
Paalala: Ang pagsasagawa ng SLP Means Test sa mga kalahok na hindi kabilang sa 4Ps at Listahanan "Poor" ay nakaayon sa kahandaan ng pondo ng programa.